Lunes, Disyembre 7, 2015

Music Video

         

           Sa aking pag-isip sa kung anong music video nga ba ang aking gusto ay nagbukas ako ng telebisyon upang makakuha ng ideya. sa aking pagkabukas ay agad na bumungad sa akin ang "the salvation poem" na ipinapalabas pagkatapos ng superbook. agad kong nasabi sa sarili ko na "tama nga ang desisyon kong buksan ang t.v."

            Nagustuhan ko ang music video na ito dahil mayroon itong magandang mensaheng ipinaparating. Ito ay patungkol sa paghingi ng tawad sa Panginoon , pagbabagong buhay at pagsunod sa Kanyang mga utos.

            Kahit na mga bata ay natutuwa at nalilibang sa tuwing pinapalabas ito sa telebisyon. Maging ako ay napapasabay sa tuwing maririnig ko ito.

Sabado't Linggo

SABADO: Maaga akong nagising kahit na walang pasok dahil mayroon kaming gawaing pampaaralan. Agad akong pumunta sa bahay ng aking kaklase dahil inakala kong hindi na kami pupunta pang 7 eleven at magsusundo. Medyo marami kaming pumunta ngunit hindi naman lahat ay nakatulong, kasama na ako doon, dahil nilaro ko lang ang pinsan ng aking kaklase.Hapon na rin
 kami nakauwi.

LINGGO: Wala naman akong masyadong ginawa bukod sa mga takdang-aralin na dapat kong gawin upang hindi na ako maghabol pagdating ng pasahan.

post ng kamag-aral na nagustuhan

                    Napili ko ang kanyang post na "pagpapahalaga sa pamilya" (http://janaloves18.blogspot.com/2015/11/pagpapahalaga-sa-pamilya.html) dahil naglalaman ito ng mga katotohanan lalo na sa buhay naming mga kabataan o estudyante. Tama rin ang nais niyang ipahiwatig na habang may oras pa ay sulitin natin ang mga panahong kasama natin sila dahil hindi habang buhay ay nandyan sila sa ating tabi.

                   Napili ko rin ito dahil marami akong natutunan at napagtanto matapos ko itong basahin.

Martes, Disyembre 1, 2015

Sabado't Linggo

Sabado: pagkagising na pagkagising ko pa lamang ay agad ko ng tinignan ang oras. mag aalas-otso na, buti nalang ay inurong ang oras ng pangkatan kaya't may panahon pa akong makapag-ayos. pumunta kami sa bahay ng isa kong kaklase upang gawin ang pangkatan sa MAPEH. buti kahit lima lang kaming pumunta ay may nagawa pa rin kami.

Linggo: wala naman akong masyadong ginawa dahil hindi naman ako kasama sa isinagawang educational tour.ginawa ko lang ang mga takdang aralin at inensayo ang kantang aming ginawa. pagdating naman ng gabi ay nanuod kami ng FRINGE kasama ang aking mga pinsan.

Sabado, Nobyembre 21, 2015

pagpapahalaga sa mga mahal sa buhay


                 Walang perpektong tao, walang perpektong anak at higit sa lahat ay walang perpektong mga magulang. Marahil minsan ay hindi nila naibibigay lahat ng gusto natin, pero sapat na  ba ito para sabihin nating hindi nila tayo mahal?

                     Simula ng ako ay ipanganak, nandyan na ang aking mga magulang upang alagaan ako at siguraduhing lumaki ako ng maayos. Nagtatrabaho para makabili ng aking gatas upang masiguro na hindi ako magugutom. Kung wala sila ay wala rin ako ngayon sa mundo. Siguro nga minsan ay pinapagalitan nila ako, nagagalit din ako sa kanila at nakakapagsabi ng mga masasakit na salita. Ngunit sa huli ay napapagtanto ko rin na ginawa lang nila iyon para rin sa kapakanan ko.

                    Naalala ko noong bata pa ako, sobrang nagalit sa akin ang mama ko at pinalo niya ako, umiyak ako at nagtulug-tulugan para hindi na ako paluin. Pero nung akalain niyang tulog na ako ay nyakap niya ako at nag-sorry siya. si papa naman ay tahimik lang pero mararamdaman mo pa rin ang pagmamahal niya sa amin, paminsan minsan ay naglalambing siya.

                    Kaya bilang ganti sa kabutihang ginagawa nila para sa akin ay nag-aaral akong mabuti. Pinapatunayan kong karapat-dapat ako sa pagmamahal na ibinibigay nila para sa akin at sa pagod nila sa trabaho upang mapag-aral kami ng kapatid ko. 

                    Hindi batayan ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak ang mga materyal na bagay na kaya nitong ibigay kundi ang pagmamahal na kaya nilang ipakita  at ipadama sa anumang paraan na alam nila. kaya maraming salamat po aking mga magulang. mahal ko po kayo.

Linggo, Nobyembre 15, 2015

bilang isang mag-aaral, ano nga ba ang nais kong tahakin bilang tao?


                Ako, bilang isang mag-aaral at bilang isag tao, nais kong maging matagumpay , nais kong maipagmalaki ako ng aking mga magulang, nais kong mahalin at tanggapin ako ng iba sa kung ano man ang mga katangian na nasa sa akin o wala at nais kong mapatunayan na MAYROON AKONG PANINIWALA SA ATING DIYOS.

                Oo , aaminin kong hindi ako linggo-linggo kung magsimba. Ngunit hindi ibig sabihin 'non ay hindi ako naniniwala sa Kanya. Hindi man ako pala-simba ay marunong akong magdasal, nagpapasalamat ako sa mga biyayang ipinagkakaloob Niya sa atin at humingi ng tawad sa mga kasalanang aking nagagawa. 

                 Bilang isang mag-aaral at isang tao , gusto kong maging isang mabuting tao, alam ko lahat tayo ay gusto ito. Upang mangyari iyon ay dapat lamang na maniwala tayo sa Kanya at gumawa tayo ayon sa kanyang mga utos, iba-iba man ang ating paraan pagpapakita ng ating paniniwala. 

Sabado at Linggo


(SABADO)

         Wala naman ako masyadong ginawa ngayong sabado. Nanatili lang ako sa loob ng bahay (lagi naman) at hinintay ang It's Showtime. Inaabangan ko kasi doon ang Bailona (Bailey at Ylona). Natutuwa kasi ako sa dalawang iyon kapag napapanuod ko sila , lalo na at english pa ang lengwahe nila. Nakaka-challenge. Haha .

(LINGGO)
          Ginawa ko na ang mga takdang-aralin ko dahil pagdating ng hapon ay pupunta ako sa bahay ng kaklase ko , dahil kaarawan niya noong Biyernes. Masaya naman kahit dadalawa lang ang bisita niyang kaklase dahil kinakausap naman kami ng mga pinsan at ate niya.

Miyerkules, Nobyembre 11, 2015

Realisasyon Patungkol sa Parabula ng Banga


       Ang parabula ng banga ay tungkol sa isang bangang yari sa lupa na paulit-ulit na pinapaalalahan ng kanyang ina na huwag sumama sa hindi nila kauri, na hindi nya sinunod kung kaya't siya'y napahamak.

         Aking napagtanto na dapat talaga tayong sumunod sa mga utos at bilin ng ating mga magulang sapagkat ang nais lang naman nila ay ang ikabubuti natin. Isipin muna natin ang mga idudulot ng mga kilos na ating gagawin upang sa huli ay hindi natin ito pagsisihan.

Linggo, Oktubre 25, 2015

10 bagay na nais gawin ngayong sembreak

1. matulog o magpahinga- para makabawi sa pagod na aking naramdaman noong may pasok pa. lalo na noong nagsabay-sabay ang lahat ng mga gawain.

2. magpraktis ng sayaw- upang maging maganda ang interpretative dance na aming sasayawin sa darating na culminating activity.

3.maghugas ng plato- dahil sa sobrang dami ng gawain sa paaralan , hindi na ako nakakapaghugas pa ng plato dahil sa sobrang pagod.

4.maglaba- dahil nga sa ka-busyhan at kahit walang pasok ay may mga dapat pa ring tapusin , hindi na rin ako nakakatulong sa paglalaba.

5.maki-hang-out sa aking mga pinsan- dahil noong may pasok pa ay bahay at school lang ang aking napupuntahan.

6. manuod sa telebisyon- ito ang bagay na malimit ko ng magawa nang naging abala ako sa mga proyekto , takdang-aralin at pagpapraktis.

7. gawin ang takdang-aralin- binigyan kami ng takdang aralin na aming pagkaka-abalahan ngayong sembreak.

8. ipagdiwang ang aking kaarawan- tulad pa rin ng dati at habang buhay ay laging walang pasok ang aking kaarawan, pero ayos lang dahil nakasanayan ko na.

9. magbasa basa- para naman hindi ako mabigla sa mga tatalakayin naming mga aralin.


10. hindi muna ako magpapakapagod ng husto para pagdating ng pasukan ay may lakas ako at masabing na-enjoy ko ang sembreak.

Sabado, Oktubre 3, 2015

Ang aking paboritong guro

 

            Kilala niyo ba si G. Fernando Timbal. Siya ang aking gurong tagapayo noong ako'y nsa ikawalong baitang pa lamang.

            Sa kanyang pagiging guro, hindi lang sa akin kundi sa lahat ng mga naging estudyante niya ay ipinaramdam niya sa amin ang pagmamahal niya hindi lang ng pagiging guro kundi ng pagiging magulang niya sa amin. Itinuring niya kaming parang tunay niyang mga anak.

             Sa kanya ako natutong sumali sa ibat-ibang organisasyon at hindi lang ang magkulong sa loob ng apat na sulok ng aming silid. Nadiskubre ko rin ang iba ko pang kakayahan dahil din sa kanya.

            Kaya't nais kong magpasalamat sa kanyang pagiging inspirasyon sa amin. Siya ang aking paboritong guro. 

Kahalagahan ng sanaysay

 

                 Ang sanaysay ay isang komposisyon na kadalasan ay naglalaman ng mg kuro-kuro o opinyon.


                Mahalaga ito sapagkat sa pamamagitan nito ay maaari tayong nagpahayag ng ating mga nararamdaman. Ang mga bagay na hindi mo masabi-sabi ay idaan mo nalang sa pagsusulat. Maaari nitong mapagaan ang ating damdamin. Maaari rin itong maging pampalipas oras o libangan. 


                Ngunit hindi porke't ito ay maaaring lagyan ng ating mga opinyon ay maaari na nating isulat kung ano ang gusto nating isulat ng basta-basta. Mahalaga pa rin ang ating pag-iingat.

Birth of a beauty

                                                   
                https://en.wikipedia.org/wiki/Birth_of_a_Beauty

                 Isa ang birth of a beauty sa mga nagustuhan kong korean novela dahil sa katapangang ipinakita ng bidang babae. Ipinakita rito na kahit maraming pagsubok ang dumating sa buhay niya ay nalagpasan niya pa rin ito ng hindi siya sumuko.

                 Ang programang ito ay tungkol kay Guada Sa na pagkatapos pagkaperahan ng kanyang asawang si Franco Lee ay pinagtaksilan pa siya nito at pinagtangkaang patayin. ang pagiging mataba niya ang pangunahing dahilan kung bakit ayaw sa kanya ng karamihan.

                   Nalungkot anng kanyang ina sa pag-aakalang siya ay patay na. Linggid sa kaalaman ng nakararami ay tinulungan siya ng isang binatang nagngangalang Terrence Han. Pina-operahan siya nito at naging isa siyang napakagandang babae sa pagkatao ni Sarah Kim. Dahil sa tulong nito ay napakulong nila si ang mga taong gumawa sa kanya ng kasalanan , kasama na doon si Cassie Gyo na kabit ng kanyang asawa.

                   Sa huli ay nagdivorce sila ng kanyang asawa at nagkatuluyan sila ni Terrence na nung una ay tinutulan ng Lola at kapatid ni Terrence dahil sa paninirang ginawa ni Cassie.


                 

Hindi pa sapat


         Kahit papaano ay umangat narin ang katayuan ng mga kababaihan sa lipunan. Nabigyan na sila ng karapatan at kalayaan. Ngunit sapat na nga ba ito?

         Sa aking palagay, kahit na nabigyan na kaming mga kababaihan ng karapatang mag- aral, magtrabaho at gawin ang mga bagay na aming nais ay hindi parin ito sapat. Marami pa rin ang umaabuso rito. Marami pa rin ang hindi kumikilala sa aming kakayahan. Marami pa ring minamaliit at sinasaktan ng kanilang mga asawa . Ang iba naman ay pinagsasamantalahan.

          Kailangan namin ng tunay na pantay na pagtingin dahil ang kayang gawin ng mga kalalakihan ay kaya rin naming gawin. Umaasa kaming makakamit namin ang aming hinihiling.

Martes, Setyembre 29, 2015

Sila'y tulad din natin

      Tayong mga tao ay laging nagrereklamo sa tuwing tayo ay nasasaktan. "Bakit ba lagi nalang akong nasasaktan ?" yan ang lagi nating sinasambit. Nagdadamdam kapag naaabuso ang ating karapatan. Reklamo lang tayo ng reklamo ngunit hindi natin alam na ginagawa rin natin ito sa mga hayop.

      Ang mga hayop ay tulad din natin na may pakiramdam. tulad din sila ng mga tao na may karapatan. Karapatan na naaabuso dahil sa pananakit sa kanila. 

      Ang mga hayop ay kailangan din ng pangangalaga. Kahit ito man lang ay ibigay na natin sa kanila, dahil kailangan din nila ito tulad natin. At tulad natin sila rin ay nilikha ng poong maykapal.

bakit kailangang mag-ingat sa pagpapahayag ng damdamin?



          Lahat tayo ay nakapananakit ng ating kapwa tao. Hindi man pisikal ngunit berbal. Ito ay sa pamamagitan ng pagsasabi ng masasakit na salita. Bakit nga ba mahalagang mag-ingat tayo sa pagpapahayag ng ating damdamin?

          "Think before you click" ika nga. Isipin muna natin ang kahihinatnan bago tayo gumawa ng aksyon. Importanteng mag-ingat tayo sa pagpapahayag ng ating saloobin. Ito ay upang maiwasan natin ang makasakit ng damdamin ng iba maraming maaaring mangyari kung hindi tayo mag-iingat. Maari silang magdamdam at magdulot sa kanila ng matinding depresyon . Ang suicide ang pinaka malala.

            Simpleng mga salita ngunit maraming kayang baguhin. Mabuti man ito o masama.

Linggo, Setyembre 20, 2015

Paano magpahayag ng damdamin


           Lahat tayo ay may nais sabihin. Lahat tayo ay may karapatang ipahayag ang ating mga saloobin. Pero paano nga ba ang tamang pagpapahayag ng damdamin?

          Sa tuwing magpapahayag tayo ng ating damdamin, kailangan muna nating isipin ang magiging resulta nito bago natin ito ipahayag upang maiwasan natin ang makasakit ng damdamin ng iba. Sabihin din ito ng buong katapatan ngunit sa maayos na paraan. Iangkop din natin ang ating mga sasabihin ayon sa paksa na pinag-uusapan. Mahalaga ring hindi tayo sumabat kahit na mayroon tayong opinyon o suhestiyon kung hindi naman tayo ang kinakausap. Ito kasi ay isang uri ng pambabastos, hindi mo man intensyon ay ito ang ipinapahiwatig ng iyong kilos.

            Ang pinaka susi sa mabuting pagpapahayag ay ang pagrespeto paggalang sapagkat kung wala ka nito ay hindi mo iisipin ang damdamin ng iba.

Linggo, Setyembre 6, 2015

Damdamin sa pagkuha ng NCAE



             Kahit na bago pa mag ala-sais medya ang oras ng pasukan ay pumasok pa rin ako ng maaga dahil sa takot na ako ay mahuli at hindi makakuha ng pagsusulit. Hindi naman agad nakapag-umpisa  sapagkat hinintay pa namin ang aming tagapagbantay. nang dumating na ito ay nanalangin na kami at ipinaliwanag niya sa amin ang mga dapat at hindi dapat gawin.


            Maghapon kaming nagsagot ng ibat-ibang tanong at nagmarka ng mga maliliit na bilog. nakakapagod ngunit nabawi naman ito ng tatlong beses na recess. Sana ay mabasa ng maayos ng makina ang mga sagot ko upang hindi naman masayang ang aking hirap at pagod.

Ikalawang Markahan



            Inaasahan kong marami pa akong kaalma na matututunan at mga karanasan at ala-ala na maitetreasure mula sa ikalawang markahan. Sana ay mas mapaghusayan ko pa ang aking pag-aaral upang tumaas pa ang aking mga grado at makapagbigay ako ng kasiyahan sa aking mga magulang . Dahil mas napupursige akong mag-aral kapag nakikita kong proud  sa akin ang aking mga magulang.

Unang Markahan



             Pagod, stress, kaba at saya. 'yan ang mga naramdaman ko sa unang markahan. Pagod, dahil sa dami ng mga takdang aralin , pangkatang gawain at mga proyekto na kinakailangan naming gawin. Stress, dahil , mayroong mga pagkakataong nahihirapan akong intindihin ang mga leksyon at minsa'y naghahabol sa oras ng pasahan. Kaba naman dahil baka hindi ko matapos ang aking mga gawain at mapagalitan ng mga guro. Kaba rin na baka mababa ang mga grado na aking makuha at bumagsak ako sa unang markahan pa lamang. Syempre, ang saya dahil sa bawat araw na pumapasok ako ay may naiuuwi akong mga bagong kaalaman.

Lunes, Agosto 24, 2015

Ang Aking Paboritong Maikling Kwento

Si Pagong at Si Kuneho


               Ang paborito kong maikling kwento ay ang  "Si Pagong at Si Kuneho". Tungkol ito sa paligsahan ng kuneho at pagong, pabilisan silang makarating sa finish line. Dahil inisip ng kuneho na mabagal at walang laban sa kanya si pagong, nakampante siya at namahinga muna. Laking gulat niya ng makita niya na nasa finish line na ito. Nagsisi si kuneho sa dahil sa ginawa niyang pagmamaliit sa kakayahan ni pagong. 

              Ang aral ng maikling kwento na ito ay wag kang maging mayabang at mapanghusga dahil minsan ay nadadaig pa ng masipag at matiyaga ang malakas.

Linggo, Agosto 16, 2015

 Ang Aking Paboritong Kanta

       Masarap makinig ng musika. Lalo na kung tayo'y nagpapahinga. Alam kong bawat isa sa atin ay may paboritong kanta at ito ang sa akin:

       Una ko itong marinig nang mapanuod ko ang isang palabas, ito ang Flashlight. Bukod sa maganda itong pakinggan ay may maganda rin itong mensahe. Sinasabi ng kantang ito na kapag tayo ay nasa panganib, manalig lang tayo dahil mayroong handang tumulong sa atin. Kahit na sa palagay natin ay wala na tayong magagawa pa ay darating siya upang magbigay ng pag-asa.  Sinasabi rin nito na hindi na tayo dapat matakot pa dahil mayroong darating na magsisilbing ilaw natin na gagabay at magtuturo sa atin ng daan tungo sa mas magandang buhay.

        Iba iba man ang gusto nating kanta ay pare-parehas naman natin itong pinagkukunan ng inspirasyon at lakas upang harapin ang bawat pagsubok ng buhay.

Lunes, Agosto 3, 2015

Hinahanap kong katangian ng tunay na kaibigan.

                 Kaibigan? Lahat tayo ay mayroon niyan . Ngunit ano nga bang mga katangian  ang hinahanap ko sa isang kaibigan?



                Ang gusto kong katangian ng aking kaibigan ay matapat, maaasahan, maagkakatiwalaan at hindi nang-iiwan. Matapat, hindi niya ako sinisiraan sa iba. nakaharap man ako o nakatalikod ay kaibigan parin ang turing niya sa akin. Maaasahan, tutulungan niya ako sa tuwing nangangailangan ako ng tulong at gagawa siya ng paraan upang mapasaya ako sa tuwing ako ay nalulungkot. Mapagkakatiwalaan, hindi niya sasabihin sa iba ang aking mga sikreto at sisikapin niyang tuparin ang kaniyang mga pangako. At hindi nang-iiwan, kahit na may kaibigan na siyang iba ay hindi niya parin kakalimutan ang aming mga pinagsamahan.

                

              Maswerte tayo dahil mayroon tayong mga kaibigan. Iba-iba man ang kanilang mga katangian, masasabi mo parin na may mga taong sasama, susuporta, at magbibigay sayo ng pagmamahal na tanging  tunay kaibigan lamang ang maaaring makapagbigay.